WebClick Tracer

LIFESTYLE

Windang ba PLLO Chief?

Eto na nga ba ang sinasabi ko.

Bukod kasi sa akin ay marami ang nagtaka nang i-post ng isang online news ang aerial shot ng oil spill sa karagatan ng Oriental Mindoro na dulot ng paglubog kamakailan ng isang oil tanker na dumadaan sa lugar.

Paano ba namang hindi nakakapagtaka, si Presidential Legislative Liason Office (PLLO) Chief Mark Llandro Mendoza ang kumuha ng aerial shot.

Kaya ang tanong, kasama ba ang pagkuha ng aerial shot sa mga obligasyon ng pinuno ng PLLO Chief?

Kung babalikan natin ang pangyayari, mistulang pinalundag ng news site na Politiko si Senate President Juan Miguel Zubiri matapos na iulat nito na muntik na siyang makudeta dahil sa matumal na bilang ng mga panukalang naisabatas sa unang taon ng kanyang pamumuno sa kapulungan.

Batay sa ulat ng Politiko, ang isa sa sinasabing mabigat na dahilan ng muntik nang pagkakabaklas kay Zubiri sa puwesto ay ang kahinaan ng PLLO na magtulak ng mga panukalang batas na ninanais ng Malacanang na maipasa upang maging pundasyon ng mga programa nito.

At ngayong nag-post nga si Mendoza ng mga litrato sa aerial inspection ng oil spill, siguro ay dapat na pagsabihan siya ni Zubiri na unahin na munang gawin ang mga obligasyon bilang PLLO head para hindi maboldyak ng Palasyo ang kanyang liderato.

Kung ganito ang estilo ng mamumuno sa PLLO, aba’y talagang malalagay sa kompromiso ang liderato ng Senado at baka pati na rin ang Kamara dahil nga hindi naman sila ginigiya sa mga batas na kailangan ng Malacanang upang maging sandigan ng administrasyon.

Noong nakaraang taon, ang matatandaan lamang na naipasa at naging ganap na batas ay ang pambansang gastusin na talaga namang dapat maaprubahan sa pinakamabilis na panahon upang may magamit ang gobyerno.

Ang ilan pa ay ang SIM card registration at ang pagpapaliban sa barangay elections.

Maliban sa pambansang badyet, ang dalawa pang pang batas na naipasa ay hindi masasabing may direktang kontribusyon upang makatulong sa pag-usad ng mga mga programa ng Marcos administration.

Hay naku…

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on