WebClick Tracer

Tonite VISAYAS / MINDANAO

SK president timbog sa Maguindanao bombing

Inaresto ng pulisya ang presidente ng Sangguniang Kabataan (SK) sa Maguindanao del Norte na sangkot umano sa pambobomba ng isang eskwelahan nitong nakaraang May 2022 election habang papasakay ito ng eroplano sa Cotabato Airport sa Datu Odin Sinsuat, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.

Ayon kay Brig. General John Guyguyon, Regional Director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), dinakip ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang suspek na nakilalang si Abdulwadod Amolan Sangki, presidente ng Sangguniang Kabataan Federation ng Ampatuan, Maguindanao del Norte.

Inaresto si Sangki habang papasakay ng eroplano nitong Marso 13 sa Cotabato airport, patungo sana ng Maynila upang dumalo sa 11th Philippine Councilors League 2023 National Convention sa World Trade Center sa Pasay City.

Siya ay dinakip sa bisa ng service warrant ng pinagsamang puwersa ng Bangsamoro regional police, CIDG, BARMM Aviation security group at Datu Odin Sinsuat police.

Si Sangki din ang number one most wanted person ng Ampatuan Municipal Police Station (MPS) at ika-apat na most wanted person sa regional level ng Bangsamoro PNP.

Sinabi ng pulisya, ang suspek ay sangkot umano sa pambobomba ng Abdullah Sangki Elementary School sa Barangay Poblacion sa bayan ng Ampatuan nitong eleksyon ng Mayo 9, 2022.

Dinala ang suspek sa CIDG Regional Field Unit detention cell para sa dokumentasyon.(Edwin Balasa)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on