WebClick Tracer

OPINION

Biglang milyonaryo!

Nabawasan mga tropapips ang mga kababayan natin may kayod nitong Enero. Pero mukhang marami rin naman ang pinagpala na naging biglang milyonaryo sa unang dalawang buwan at kalahati ng taon.

Sabi sa datos ng Philippine Statistics Authority kamakailan, nasa “seasonal” jobs ang mga nasisante sa trabaho dahil siyempre tapos na ang Pasko. Ibig kayang sabihin eh mga “endo” na naman ang karamihan sa mga kawawang nawalan ng hanapbuhay?

Ilan kaya sa mga nawalan ng kayod ang naging hilong-tuliro dahil sa buwan pa naman ng Enero pumalo sa pinakamataas na 8.7% inflation rate. At nitong Pebrero, mukhang masaya na ang mga opisyal natin na natapyas lang ng konting kembot na 8.6% ang inflation.

Ibig sabihin, mataas pa rin ang inflation at mahal pa rin ang mga bilihin at serbisyo. Ngayong Marso, malamang same-same pa rin dahil tumataas pa rin ang presyo ng mga produktong petrolyo, magmamahal ng singil sa kuryente, at higit pa rin sa P100 ang presyo ng pulang sibuyas kahit bumaba na raw ang farm gate price nito.

Pero alaws problema malamang sa mga bagong milyonaryo dahil sa lotto ang mataas na inflation rate. Mayroon kaya sa mga nawalan ng trabaho ang kasama sa mga masuwerteng 26 na mananaya na tumama sa lotto mula noong Enero hanggang nitong kalagitnaan ng Marso?

Batay sa listahan sa website ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) mga tropapips, mayroong walong mananaya ang nanalo ng jackpot noong Enero. Dalawa sa kanila ang naghati sa mahigit P142 milyon na premyo.

Noong Pebrero naman, mayroong 10 naka-jackpot, at may dalawang pagkakataon na dalawang mananaya ang sabay na tumama sa iisang draw, o naghati sa premyo. At ngayong Marso, sa unang dalawang linggo pa lang, aba’y may anim nang nanalo, at isa ang nakasolo ng mahigit P100 milyong premyo.

But wait there’s more mga tropapips, kahit pala sa 6 digit lotto, puwede ring maging milyonaryo. Mula Enero hanggang Marso, dalawang beses nang umabot sa mahigit P1 milyon ang premyo nito at may dalawang mananaya ang magkahiwalay na nanalo.

Ang isa sa dalawang tumama ng milyones sa 6 digit lotto, mahigit P4 milyon ang tinamaan nitong Marso. Kaya sa nasabing buwan, aba’y pitong mananaya ang pinagpala. Ano kayang masasabi ng mga mathematician na nagsasabing mas mataas pa ang tiyansang
tamaan ng kidlat kaysa tumama sa lotto?

Kaya ang ilang ayudanatics nating kurimaw na kahit sampung kahig isang tuka ang buhay, paminsan-minsan daw eh tumataya siya sa lotto mula sa papiso-pisong iniipon dahil nag-aambisyon ding maging instant milyonaryo.

Sa hirap nga naman ng buhay ngayon, parang walang ibang paraan na umasenso kung hindi sumali sa mga “game of chance,” at sasamahan ng isang libo’t isang dasal.

Sabagay, sabi nga sa isang survey, madasalin ang mga Pinoy. Pito raw sa bawat 10 Pinoy ang nagdarasal kahit isang beses sa isang araw.

At kahit pa lumalabas din sa isang survey na 48% ng mga adult Pinoy ang umaasang bubuti ang ekonomiya ng bansa sa taong ito, hindi mawawala sa mga kababayan natin na magbakasali sa “suwerte.” Ika nga, gaya ng lotto na “game of chance,” ang buhay eh “sugal” din naman. Tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy nyo”

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on