Todas ang dalawang rider habang sugatan ang backrider ng isa sa naganap na aksidente sa Naic, Cavite, Huwebes ng madaling araw.
Kinilala ang mga nasawi na sina Jericho Renzo Benzon, 24 ng Blk. 10, Lot 33 Maliksi Pasong Kawayan Gen. Trias City, Cavite at Fernando Tandas, 42 ng Brgy., Santulan, Naic, Cavite, habang sugatan ang angkas na si Billy Joe Ojas, 19, residente ng Blk. 25, Lot 24 Maliksi, Gen. Trias City, Cavite.
Sa ulat, dakong alas-12:58 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa Governors Drive sa Brgy. Sabang Naic, kung saan minamaneho ni Benzon ang Yamaha NMax at angkas nito si Ojas habang Yamaha N-Max din ang minamanehong motorsiklo ni Tandas.
Batay sa imbestigasyon, madilim at walang street light sa pinangyarihan ng insidente, walang Closed Circuit television (CCTV) sa lugar at wala ring nakasaksi kung paano naganap ang insidente.
Naabutan na lamang ng mga kagawad ng MDRRMC ang mga biktima sa pinangyarihan ng insidente na duguan at wala nang buhay ang dalawa sa kanila habang si Ojas ay nagtamo ng mga sugat sa katawan kaya agad na isinugod sa ospital. (Gene Adsuara)