Naging prangka si Senador Jinggoy Estrada sa magiging kapalaran ng inihaing panukalang batas ni Senate President Juan Miguel Zubiri hinggil sa P150 across-the-board wage increase para sa mga nagtatrabaho sa pribadong sektor.
Sabi ng chairman ng Senate committee on labor and employment, malabo raw maipasa ang panukala bago sumapit ang Labor Day sa Mayo 1.
“It’s been only a year since the opening of the country’s economy following the two-year extensive COVID-19 restriction… We’re still struggling trying to return to the pre-pandemic levels,” paliwanag ni Estrada. “More than the issue of wage increase is the issue of job security.”
Sabi ni Estrada, hindi lang ang kapakanan ng mga manggagawa ang dapat isalang-alang kundi ang mga employer. Marami kasi sa mga employer ang unti-unti pa lamang bumabangon matapos ang pagkalugi noong kasagsagan ng pandemya.
Hindi lang sa Senado may nakahaing panukala sa wage increase, sa Kamara de Representantes, ay isinampang panukala ang Makabayan bloc upang igiit ang P750 across-the-board wage increase sa mga nagtatrabaho sa pribadong sektor.
Kung ang P150 umento, malabo na, yun pa kayang P750. At kapag sinabing across-the-board, lahat ng empleyado ay makakatanggap ng umento kahit doble sa minimum ang kanilang sinasahod.
Napapag-usapan lang naman ang isyu ng wage increase dahil nalalapit na ang Labor Day. Kapag lumipas na ito, mababaon na rin ang isyu.
Sa totoo lang, suntok sa buwan ang mga panukalang batas sa wage increase. Mayroon na kasing umiiral na batas kung saan ang mga Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang siyang nagdedesisyon ng wage increase sa bawat rehiyon.
Ang huling legislated wage increase, nangyari noon pang 1989 nang isulong noon ng namayapang Senador Ernesto Herrera. Siya ang may-akda ng Republic Act 6727 hinggil sa “Wage Rationalization Act” kaya nagkaroon ng mga regional wage board.
Natatandaan ko pa ito noon noong ako ay nagko-cover pa sa Department of Labor and Employment (DOLE). Ilan sa mga naabutan kong kalihim doon ay si Ruben Torres at Franklin Drilon. Kalog si Torres at tinuturing na kaibigan ang mga reporter kumpara kay Drilon na makakausap mo lang kapag may press conference o ambush interview.
Noong panahong iyon, pinuno ng National Conciliation and Mediation Board ang kalihim ngayon ng DOLE na si Benny Laguesma. Siya ang takbuhan ng mga reporter kapag may mga kompanya na nagdeklara ng strike. May isang labor leader pa noon na siga sa kalye pero under de saya naman pala kay misis.
Naikuwento ko lang ito dahil ganoon na pala katagal sapol ang huling legislated wage hike.