Pinawalang-sala ng Quezon City Metropolitan Trial Court (QC MeTC) ang isinampang kasong direct asault laban sa isang biktima ng tokhang na nabuhay at pinasinungalingan ang akusasyon ng mga pulis na siya ay nanlaban.
Batay sa inilabas na desisyon ng QC MeTC Br. 133, walang nakitang ebidensya na si Efren Morillo ang bumaril sa mga pulis sa isang umano’y drug operation sa Payatas noong Agosto 2016.
Ayon kay Judge Gloria Monica Lopez-Lao, pinawalang salas si Morillo nang mabigo ang prosekusyon na patunayan ang kanyang pagkakasala ng akusdo.
Iginiit ng Bagong Silangan Police na nagsasagawa sila ng house-to-house visit noong Agosto 21, 2016 sa Payatas nang makatanggap umano sila ng tip na may isang drug den kung saan nanunuluyan ang grupo ng mga lalaki na sinasabing sangkot sa droga at panghoholdap.
Pinagbabaril umano ni Morillo at iba ng pang kasamahan niya ang mga awtoridad dahilan upang papatukan na rin sila ng mga ito at napatay ang apat na kasamahan ng akusado na sina Anthony Comendo, Jessie Cule, Marcelo Daa, Jr., at Rhaffy Gabo.
Nabaril si Morillo dibdib at nagkunwaring namatay at bagamat may tama ng baril ay nagawa niyang gumapang patungo sa isang malapit na bangin, tumakas, at nagpaggamot, pero kinalaunan ay inaresto siya at inakusahan ng direct assault ng mga pulis.
Sa pagpapawalang-sala kay Morillo sa kasong direct assault, sinabi ng korte na hindi nakita ng tatlong pulis na sangkot sa operasyon na nagpaputok ng baril si Morillo.
At sa halip, itinuro ng dalawa sa mga pulis na sina PO1 (Patrolman ngayon) James Aggarao at PO1 Melchor Navisaga, ang kapwa-pulis nilang si PO3 (ngayon ay Police Staff Sergeant) Allan Formilleza, na siyang nagpaputok ng baril.
Inamin naman ni ormilleza sa korte na ang pang-apat na pulis na sinasabing binaril ni Morillo na dating PSI at ngayon ay Police Captain Emil de los Santos, na kilala rin bilang Emil Garcia ay wala sa lugar sa panahon ng operasyon, na sumasalungat sa paratang sa impormasyon o kasong kriminal.
Bukod dito, nabigo rin ang prosekusyon na patunayan na pag-aari ni Morillo ang baril na ginamit niya at negatibo ito sa isinagawang paraffin test.
Ayon sa korte, hindi sumunod ang mga pulis sa PNP Double Barrel circular na nangangailangan ng koordinasyon sa lokal na drug abuse council para sa Tokhang.
Si Morillo ay tinulungan ng CenterLaw na unang nagkuwestiyon sa Oplan Tokhang sa Korte Suprema noong Enero 2017. (Dolly B. Cabreza)