Isang technical working group (TWG) ang binuo ng House Committee on Ecology ngayong Huwebes upang hanapan ng solusyon ang problema ng pagbaha sa paligid ng Laguna lake.
Inaprubahan ng chairperson ng komite na si Biñan City Marlyn Alonte ang mosyon na italaga si Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez bilang pinuno ng TWG.
Ayon kay Fernandez, ang lalim ng laguna ay nasa 2.5 metro na lamang.
Noong 2010, pumasok sa kontrata ang Arroyo administration at Baggerwerken Decloedt En Zoon (BDC), isang Belgian contractor, para sa dredging ng 94,900-hektaryang Laguna de Bay upang dumami ang tubig na kaya nitong tanggapin at maiwasan ang pagbaha sa mga lugar na nasa paligid nito.
Ayon kay Fernandez nabasura umano ang ‘midnight’ deal na ito sa ilalim ng Aquino administration at pinalitan ng Laguna Lakeshore Dike Project. Nagkaroon naman ng failed bidding kaya hindi rin ito natuloy.
Sa pagpasok ng administrasyong Duterte, sinabi ni Fernandez na pinalitan ang proyekto at ginawang Laguna Lakeshore Road Network Project (LLRN).
Pero ayon kay Fernandez ang road network project ay walang kasamang rehabilitasyon at dredging ng lawa.
Sinabi ni NEDA Director Hazel Ballatan na mahihirapan ng isama ang dredging sa Phase 1 ng LLRN dahil nasa advance stage na ito subalit maaari umanong ipasok sa Phase 2. (Billy Begas)