Nauunawaan natin ang paghihigpit ng Bureau of Immigration (BI) sa mga palabas at papasok ng bansa nating mga kababayan at dayuhan.
Para rin ito sa ating proteksiyon laban sa mga mapagsamantala, lalo na’t nagkalat na naman ang mga galamay ng human trafficker mga illegal recruiter na gumagamit ng maraming diskarte para mahulog sa kanilang bitag.
Pero lumagay din naman sana sa ayos ang mga taga-BI na nakatoka sa pagsala sa mga lalabas at paparating ng ating paliparan para walang nagiging isyu.
Naging kontrobersiyal kasi ang Immigration dahil sa nag-viral sa TikTok na hindi umano nakaabot na Pinay sa kanyang flight dahil sa wala sa ayos na pagtatanong ng isang immigration officer (IO).
Sa kuwento ng Pinay tinanong ito ng IO sa background sa edukasyon, hiningan umano ng larawan ng kanyang yearbook at pinagsulat din ng essay.
Ang tagpong ito ang itinuturo ng Pinay na dahilan kaya naipit ito at hindi umabot sa kanyang flight na noon ay patungong Egypt.
Kaya naman sinabi ng BI sa pamamagitan ng kanilang spokesperson na si Dana Sandoval na hindi rekisitos ang paghingi ng yearbook sa mga lalabas ng bansa.
Tinanggal na rin umano ng BI ang IO sa frontline at itinalaga sa isang backend office.
Paglilinaw ng Immigration spox, tiket, pasaporte at mga sumusuportang dokumento lamang sa gagawing biyahe ang kailangang iprisinta ng isang pasahero.
Sa ganang akin, alam ng nakararami ang mga rekisitos sa pagbibiyahe lalo na’t marami tayong kababayan ang nahihilig sa biyahe.
Kaya sa tingin ko, ang dapat paliwanagan ay ang mga tauhan ng Immigration sa airport na paiba-iba minsan ng hinihinging requirements na halata namang nagti-trip na lang minsan.
Para sa akin hindi sapat ang ginawang re-shuffle lang, ang dapat ay patawan ito ng karampatang parusa upang hindi na maulit.
Napakababaw ng parusa na ipinataw ng Immigration sa sangkot nitong tauhan at hindi malayong maulit kaya mas maraming kababayan natin ang tiyak na magdurusa.