Ikinaalarma ng mga pasahero sa Cebu Airport ang muling pagbabalik ng tanim o laglag bala nang isang babaeng negosyante ang nabiktima nito sa paliparan.
Batay sa panayam ng mamamahayag na si Raoul Esperas sa kanyang programa nitong Sabado, nangyari ang insidente noong Pebrero 9, kung saan kagagaling lang umano ng negosyanteng itinago sa pangalang alyas ‘Maria’ sa Cebu at pabalik na sana sa Maynila.
“Nakapag-check in na, inannounce ‘yung pangalan niya at tumayo siya at pumunta sa lugar na sinasabi. Nakita sa kanyang bag ‘yung bala…Ang malaking katanungan niya, paano nagkaroon ng bala e hindi naman siya mahilig sa baril?,” tanong ni Esperas.
“Pinapaunta lang ako doon sa kabilang boarding gate…meron sa aking nag-assist na punta raw doon sa x-ray room kasi meron lang daw silang gustong ipa-check sa luggage ko. So, wala naman akong naiisip na something akala ko lang meron silang nakitang sharp object tulad ng gunting o babasaging object na hindi talaga pwede,” batay naman sa kwento ni Maria.
“Nagulat na ako kasi when I was on the first floor bago kami bumaba sa pinaka x-ray room, may pulis na. Tapos nag-uusap sila Biasaya e kasi sa Cebu. Tapos parang nabanggit lang ni officer na parang may ‘shaped bullet’ daw,” sabi ni Maria sa programa.
Sa sumunod na eksena, ay ipinakita umano sa negosyante kung saan nakita ang bala sa kanyang bagahe.
Nabatid na ang nakuha sa bagahe ng negosyante ay bala ng 9mm.
“Ang gusto lang niyang ipaalam sa publiko, ipaalam sa pamahalaan na dapat maging vigilant tayo at dapat maging alerto, ‘wag niyong ipagtitiwala, ‘wag niyong aalsiin and this case, ‘yung bag po niya hindi nawala sa kanyang paningin. The only time na nawala sa kanyang paningin ‘yun is ‘yung nai-check in ‘yun,” saad pa ng mamamahayag.
Hindi naman umano kinasuhan ang negosyante dahil sa insidente pero na-traumatize aniya ito sa pangyayari.
(Gel Manalo)