WebClick Tracer

Tonite VISAYAS / MINDANAO

Dole Manager tinumba sa pick-up

Natagpuang patay at may tama ng bala sa ulo ang 46-anyos ng manager ng kilalang banana plantation sa kahabaan ng diversion road sakop ng Barangay Casisang, Malaybalay City, Bukidnon, Sabado ng madaling araw.

Kinilala ni Bukidnon Provincial Director Police Col. Reynante Reyes, ang biktimang si Roger Bergas Balista, may-asawa, manager ng Dole North Skyland ng Bukidnon Cluster at residente ng Tagum, Davao Del Norte.

Ayon kay Col. Reyes, isang concerned citizen ang nagreport sa Malaybalay City Police Station hinggil sa pagkakatagpo ng isang bangkay ng lalaki sa diversion road ng barangay Casisang ng nasabing lungosd dakong alas 5;00 ng madaling araw.

Agad namang rumesponde ang kapulisan at doon nila natagpuan ang bangkay ni Balista na nasa unahan ng kanyang sasakyang Toyota Hilux na may plakang NAX 3296.

Sa ginawang imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na may isang tama ng bala sa likurang bahagi ng kanyang ulo ang biktima at isang 9mm na baril naman ang nakuha sa kanang kamay nito na tinatakpan ng panyo.

Ang nasabing baril ay mayroong isang fired cartridge at apat na bala pa sa loob nito.

Wala ring natagpuang basyong bala ang pulisya sa lugar ng insidente pero makikita ang naiwang bakas ng gulong o skid mark dahilan umano ng isang malakas na pag-preno ng sasakyan.

Sa pagsisiyasat pa ng pulisya sa sasakyan at sa bangkay ay wala ring nawalang personal na gamit sa biktima.

Bago ang insidente, sinabi ng mga kasamahan ng biktima na dakong alas 4;41 ng madaling araw ng mag-isa itong umalis sa kanilang staff house sa P-1 Kalasungay, Malaybalay City upang magtungo sana sa processing plant sa Sitio Gabunan, Casisang, lulan ng kanyang Toyota hilux.

Sa ngayon ay patuloy ang masusing imbestigasyon ng pulisya hinggil sa posibleng motibo ng pagpatay at isinailalim na sa autopsiya ang biktima para sa ikalilinaw ng kaso.

Hinimok din ng pulisya ang mga residente malapit sa lugar na makipagtulungan sa kanila sakaling mayroong nalalaman sa kaso.

(Edwin Balasa)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on