WALANG Luka Doncic sa lineup ng Dallas, inako ni Maxi Kleber ang papel ng Slovenian nang ibaon ang biggest shot sa dulo para gulantangin ang Lakers 111-110 Biyernes ng gabi sa Crypto.com Arena.
Una munang nagbaon ng tatlong free throws si Kleber 7 seconds na lang sa orasan nang intensiyonal na bigyan ng foul ni Anthony Davis sa 3-point attempt.
Finoul din si Davis sa sumunod na inbound pero one of two lang sa stripe 110-108 Lakers.
Binigay ng Mavericks kay Kyrie Irving ang bola pero sinalubong ng double team. Binatuhan ni Irving si Kleber na 27 feet ang layo sa basket, bumitaw at nahulog ang bola sa net sabay sa buzzer para sa kanyang 10th point.
Nagsumite si Irving ng 38 points, 13 dito sa fourth quarter sa unang laro mula three-game injury absence (sore right foot). Pang-apat na laro na ring wala si Doncic (left thigh bruise).
Tumapos si Davis ng 26 points, 10 rebounds sa Lakers. (Vladi Eduarte)