WebClick Tracer

OPINION

Mag-ingat sa mga puslit na frozen product

Nasabat ng mga otoridad ang iba’t ibang uri ng frozen products na pinaniniwalaang ipinuslit papasok sa bansa at walang sanitary clearance kaya dapat na mag-ingat ang publiko.

Posibleng magdulot ng peligro sa kalusugan ang mga frozen product at makompromiso ang publiko sakaling kontaminado ang mga ito at makain ng mga tao.

Sa pitong bodega sa Navotas nakita ng mga tauhan ng Department of Agricture ang frozen products at natuklasan din na walang permit ang cold storage facilities kaya hindi nakakasigurong ligtas ang mga ito.

Mabuti na lamang at hindi pa nakalabas sa mga palengke ang hinihinalang smuggled products dahil kapag nangyari ito ay malaking peligro sa publiko.

Kabilang sa nakita ng mga otoridad sa sinalakay na warehouse ay frozen na karne ng baboy, isda at manok.

Mas mura ang presyo ng frozen products sa mga palengke at supermarkets kumpara sa mga bagong katay at sariwang karne,isda at manok pero peligro sa kalusugan ang hatid nito lalo na kung hindi dumaan sa sanitary inspection.

Maging sa online ay marami ring nagbebenta ng imported frozen products na hindi sigurado kung dumaan ba ang mga ito sa tamang proseso bago nakapasok sa bansa.

Siyempre maganda sa pandinig kapag sinabing imported pero hindi natin alam kung paano pinroseso ang mga ito hanggang sa makalabas sa pinagmulang bansa.

Sa Facebook lang ay napakaraming pages na nagbebenta ng murang mga pagkain na gawa sa karne,isda at manok at processed foods na magugulat ka dahil napakababa ang presyo kumpara sa mga nabibili sa supermarket.

Ito yung mga tipong “presyo agawid” sa mga Ilocano na kulang na lang ay ipamigay dahil sa baba ng presyo.

Nagsulputan din ang mga processed food na magdududa ka kung bakit napakababa ng presyo, walang brand at buy one take one pa kaya para sa mga nagtitipid sa budget ay talaga namang patok ang mga ito.

Payong kaibigan lang, maging mapanuri po tayo at mag-ingat sa mga murang nabibili ngayon dahil nakatipid nga sa pagkain, pero peligro naman ang hatid sa kalusugan na maging dahilan para gumastos sa gamot at pagpapaospital.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on