WebClick Tracer

NEWS

Mga driving school operators umalma sa bagong guidelines ng LTO

Nangangamba ang nasa 38 stakeholders at driving school owners sa pagrebisa ng patakaran ng Land Transportation Office (LTO) kung saan ay hindi sila sang-ayon sa inirerekomendang maximum standardized rates ng theoretical at practical driving courses na hindi umano idinaan sa konsultasyon na dapat sana ay pinakinggan muna ang kanilang mga concern sa bagong guidelines at hindi inalam ang kasalukuyang nagaganap na sitwasyon ng mga owners matapos ang nagdaang halos dalawang taong coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Ayon sa pamunuan ng Association of Accredited Driving School of the Philippines, Inc. (AADSPI), hindi naging makatarungan para sa mga may-ari ng driving schools at ilang stakeholders ang inilatag na presentasyon ng Technical Working Group (TWG) ng LTO kaugnay sa naganap na umano’y consultative meeting noong March 14, 2023 na pinangunahan ni LTO Executive Director Giovanni Lopez na magkakaroon ng revisions sa mga driving school base sa utos ni LTO Chief Jay Art Tugade.

Pangunahing concern ng AADSPI na hindi isinaalang-alang ng TWG ng LTO ay hindi naging patas ang inilabas nilang ‘prescribed maximum rates’ para sa tuition fees ng driving schools na dapat sana ay kinonsulta muna sa mga stakeholders kung ano ang nararapat na ilatag na presyo na magiging patas naman para sa lahat ng driving school owners.

Kailangan anilang mabatid ng TWG na malaki ang papel ng mga driving school para sa road safety ng mga driver at sa tagal na sa serbisyo sa LTO ay nakabuo na sila ng maayos at magandang samahan na ngayon ay unti-unti namang nasisira dahil sa paglipana ng mga ‘fixers’ na siyang sisira sa matagal nang samahan at pagbalewala sa kaligtasan ng mga magmamaneho na magmamando ng kalsada.

Nais lamang iparating ng AADSPI sa TWG ng LTO na magkaroon ng sapat at balanseng computation at walang maaapektuhang driving schools bago ipatupad ang inilatag nilang maximum rates sa theoretical at practical driving courses at kailangan ring alamin ang suhestiyon ng bawat asosasyon na sakop ng ahensya.

Anila, kung magiging pahirap din lang ito sa taumbayan at hindi epektibo ay makabubuting alisin na lang lalo pa’t kahit wala pa yung bagong sistema ay wala namang ipinagbago at itinaas ang kanilang mga tuition fee.

Kabilang sa mga hinaing na dapat bigyang-pansin ng LTO ay ang pangangailangan din ng mga nais maging driver kung anong training vehicles ang gagamitin dahil may manual at automatic na magkaiba ang presyo ng pagtuturo, kailangang alamin din ang pangangailangan ng mga driving schools at registration branches dahil ginagastusan din ito para maging convenient sa mga kukuha ng lisensya kung saan isa sa requirement ng LTO ay magkaroon ng closed circuit television (CCTV) sa lahat ng training room na may projector, whiteboard, armchairs at iba pa na sinunod naman ng mga driving schools.

Kailangan ding alamin ang gastusin sa pagkuha ng accredited instructors, accredited lecturers at ilang staff dahil inoobliga ng LTO na sila ay college graduate o nakakuha ng automotive vocational training course o mula sa TESDA National TVET Trainers’ Certificate (NTTC).

Bukod pa rito ang maintenance, comprehensive insurance at LTO registration sa mga training vehicles na nilaanan din na magkaroon ng dashcam, at obligasyon din ng mga driving schools na magbayad ng business license fees, tax dues at iba pa.

Giit ng AADSPI, pakinggan muna ng pamunuan ng LTO ang kanilang mga concerns bago ipatupad ang rate adjustment na pabor sa lahat. (Vick Aquino)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on