Aminado si Senador Ronald `Bato’ dela Rosa na mas lalo pang lumala ang pagbabalik sa Metro Manila ng mga tinaguriang `ninja cops’ matapos na ipatapon ang mga ito sa Mindanao dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga.
Ayon kay Dela Rosa, ipinatapon sa Mindanao ang karamihan sa `ninja cops’ lalo na ang mga walang sapat na ebidensya na nagdadawit sa kanila sa droga ngunit muling pinabalik sa Metro Manila para isabak uli sa anti-illegal drug operations.
Ngunit sa halip na tumino anya ang mga ito at patunayan na nagbagong buhay ay kabaligtaran ang nangyari at higit pang napasama.
“`Yung mga nakabalik mga pinagtatapon natin sa Mindanao dahil wala tayo enough evidence. But then again masama pinabalik sila sa Metro Manila sa anti-drugs ops. Maganda sana they want to prove themselves pero ginawa ng mga gago lalong lumala [ang] kanilang gawain. Second chance is not bad kaya lang ginamit nila para lalo lumalim involvement [sa droga],” ayon kay Dela Rosa.
“This is a lesson,” sabi pa ng senador.
Nabuhay ang muling pamamayagpag umano ng `ninja cops’ matapos mabisto ang recycling ng droga dahil lumitaw sa pagdinig ng Kongreso na humihingi umano ng hanggang 30 porsyento bilang pabuya ang mga impormante o asset mula sa mga nasamsam na droga.
Kaugnay nito, hinamon ni Dela Rosa si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. na resolbahin ang mga ganitong kaso ng `ninja cops’ bago man lang siya magretiro sa serbisyo.
“Chief PNP bago mag-retire dapat resolve na ito at makasuhan na ang dapat kasuhan,” ayon kay Dela Rosa.
“Kilala natin itong ninja cops diinan natin ang ebidensya, kakasuhan natin. Kung walang ebidensya pero alam natin involved itapon sa Mindanao,” dagdag pa ng senador. (Eralyn Prado)