Mga laro Linggo: (FilOil EcoOil Centre)
11:00am — DLSU vs Adamson (women)
3:00pm — Ateneo vs UP (women)
HINDI hinayaan ng troika nina Mhicaela Belen, Alysa Solomon at Princess Ann Robles na makatikim ng dungis sa set matapos itulak ang National University sa pagwalis sa Far Eastern University, 25-21, 25-9, 25-18, sa ikalawang laro ng women’s volleyball ng UAAP Season 85 Sabado sa FilOil EcoOil Center sa San Juan City
Itinala ng kasalukuyang MVP na si Belen ang kabuuang 16 puntos mula sa 14 attacks, 1 block, 1 ace at 7 digs kung saan ibinuhos nito ang pito sa ikatlo at huling set para sa Lady Bulldogs matapos maghamon ang kalaban na Lady Tamaraws tungo sa pagsolo sa ikalawang pwesto sa kabuuang 5 panalo at 1 talo.
“Sinabihan kami ni coach Ray (Dimaculangan) na bawasan namin ang error kaya kami naiwanan. Nagtulong lang kami ulit at nag-focus sa laro namin kaya nakabawi kami agad,” sabi ni Belen.
Napag-iwanan ang NU sa ikatlong set matapos itala ng FEU ang 14-10 abante.
Gayunman, nagtulungan sina Belen, Solomon at Robles upang ibuhos ang 12-1 atake para agawin ng Lady Bulldogs ang kalamangan sa 22-15 bago tuluyang ibinaon ang Lady Tamaraws sa kabiguan at 3-4 panalo-talong karta.
Tumulong si Solomon na may 14 puntos mula sa 10 attacks at 3 blocks, habang si Robles ay may 12 puntos mula sa 11 atake at 1 ace. (Lito Oredo)