WebClick Tracer

NEWS

Governor Garcia kinontrol mga national project sa Cebu

Pinagbawalan ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia ang mga national government agency na magpatupad ng mga proyekto sa kanilang probinsya na hindi muna kinonsulta sa lokal na pamahalaan at walang pag-apruba mula sa Sangguniang Panlalawigan.

“No national agency and/or office shall plan and implement any project within the territorial jurisdiction of the Province of Cebu without prior consultation from the Provincial Government of Cebu,” nakasaad ito sa Memorandum 7-2023 na nilagdaan ni Garcia noong Marso 17, 2023.

Partikular na tinukoy sa memo ng gobernador ang Department of Agriculture (DA), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Education (DepEd), Department of Health (DOH), Department of Transportation (DOTr), Department of Tourism (DOT), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Philippine National Police (PNP) at iba pang ahensya.

Nilagdaan ni Garcia ang memorandum sa mismong araw na ipinatigil niya ang pagsunog ng mga baboy sa Cebu dahil sa banta ng African Swine Fever (ASF).

Inutos ng gobernador na kailangang humingi muna ng pahintulot mula sa kapitolyo ng Cebu bago isagawa ang anumang pagsunog ng mga baboy na hinihinalang infected ng ASF.

Binanggit naman ni Garcia sa kanyang memo ang Section 25(b) ng Republic Act No. 7160 o Local Government Code of 1991 kung saan kinakailangan umano na mayroong koordinasyon at siguraduhing may partisipasyon ng mga lokal na pamahalaan ang mga nabanggit na ahensya sa implementasyon ng mga national project. (Prince Golez)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on