Tuloy ang pagsasampa ng mga kaso ng lokal na pamahalaan ng Oriental Mindoro at mga residente laban sa kompanya na nasa likod ng lumubog na barko na siyang pinagmumulan ngayon ng oil spill.
Sinabi ni Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor na ikinakasa na nila ang mga criminal at civil case laban sa RDC Reield Marine Services na siyang nagmamay-ari ng MT Princess Empress.
Ayon kay Dolor, maaari naman magsampa ang Philippine Coast Guard o kahit sino pa na sibilyan ng kaso para sa pinsalang dulot ng oil spill.
Nagkakaisa umano sa pagsasampa ng reklamo ang mga bayan at barangay sa Oriental Mindoro na apektado ng pagkalat ng langis sa dagat.
Sa ngayon, ani Dolor, prayoridad na matapos ang clean-up drive at ang paninigurado na hindi na makakapunta ang langis sa tabi ng dagat.
Samantala, inihayag ng University of the Philippines Marine Science Institute (UP-MSI) na maaaring umabot sa Puerto Galera at Batangas ang oil spill.
“Based on projections, ang oil slick ay posibleng madala towards the north. So, pa-hilaga ang direksyon ng oil slick at ito ay maaaring makaapekto sa munisipalidad o coastal environments ng Calapan, Puerto Galera, at areas sa Batangas,” paliwanag ni UP-MSI associate professor Dr. Irene Rodriguez sa panayam ng dzBB nitong Linggo..
Inihayag din ng UP-MIS na patuloy ang pagtagas ng langis mula sa lumubog na MT Princess Empress.
Batay umano sa pinakahuling satellite image noong Marso 15, nakitang may tumatagas pa na langis mula sa lumubog na barko kung kaya’t kinakailangang maagapan ito upang hindi na makarating pa sa ibang lugar at lumawak ang pinsala sa karagatan. (Catherine Reyes/Dolly Cabreza)