Tiniyak ni Department of Energy (DOE) Undersecretary Felix William Fuentebella na sapat ang supply ng kuryente sa bansa ngayong summer ngunit nakikita pa rin umano nila na posibleng magkaroon ng 14 yellow alert.
“We have enough power. It’s more an issue ng reserves. Ang nagiging issue talaga is napaghahalo si supply saka si reserves. Kung supply ang pag-uusapan, wala tayong problema,” sabi ni Fuentebella sa programang `The Chiefs’ ng TV5.
Tinatawag na red alert kapag kulang ang supply ng kuryente kaya nagkakaroon ng rotating brownout. Kapag yellow alert, kulang ang reserbang kuryente at maaari itong humantong sa red alert sakaling may plantang pumalya.
“`Yung red alert level, `yun `yung 4% ng demand, pambalanse ng grid `yun so basically part siya ng demand. Wala tayong problema dun,” sabi ni Fuentebella.
Sa yellow alert, katumbas umano ito ng kuryenteng galing sa pinakamalaking planta na nasa 668 megawatts ang kapasidad. Kapag may nangyari sa plantang iyon, tiyak na magkakaroon ng yellow alert.
Para maibsan umano ang problema, nagkakaroon ng interruptible load program kung saan tinitimbrehan ang mga mall at iba pang malalaking establisimyento para ihanda na ang kanilang generator at sila na ang bahala sa kuryente kapag nag-red alert.
Nag-i-import din anya ng kuryente ang Luzon mula sa Visayas kapag kinukulang ito. Ngunit ito’y kung may sapat na supply ang Visayas na maibibigay sa Luzon. (Eileen Mencias)