Malaki ang posibilidad na hindi magpahuli ng buhay ang nalalabing apat pang suspek na pumaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at makikipaglaban ang mga ito sa tropa ng pamahalaan, ayon kay Special Joint Task Force Negros (SJTFN) Spokesman Maj. Cenon Pancito III.
Sinabi ni Pancito, naniniwala siyang “armed and dangerous” ang mga natitirang suspek na kinabibilangan ng dating sundalo, dating marino at dating rebelde.
“Base sa galaw naniniwala kami na armed and dangerous kasi base sa skills at initial pakikipagusap sa mga mga kasamahan ay talagang hindi po basta- basta ang ang mga training,” sabi ni Pancito.
Ito rin aniya ang basehan niya kung bakit posibleng hindi magpahuli ng buhay ang mga ito.
“Nandun na kami. Pero habol naming sa pwedeng mahuli. Malaki kasi ang impormasyon sa kanila na gusto naming na makuha, Kaya gusto naming na makuha sila ng makuha buhay. Nasa posibilidad na baka itong mga ito they will use all their skills,” sabi nito.
Inilarawan rin ni Pancito ang sitwasyon na tila mga eksena sa pelikula na kukuha ng mga mercenary na mga dating sundalo para pumatay. (Catherine Reyes)