Pagmumultahin at hindi mabibigyan ng lisensya ng pagmamaneho sa loob ng isang taon ang dalawang motorcycle rider na naging viral sa social media matapos bumiyahe nang nakahubad sa magkahiwalay na insidente.
Ayon kay Land Transportation Office Intelligence and Investigation Division (LTO-IID) officer-in-charge Renan Melitante, ihahanda na nila ang resolusyon hinggil sa ginawa nitong imbestigasyon matapos na matukoy na may batayan upang parusahan, bukod pa sa umamin ang mga nasasangkot sa kanilang naging pagkakamali.
Humarap nitong Huwebes ng umaga sa IID ang dalawang motorcycle rider na nagmanehong nakahubad at natukoy na kapwa wala silang lisensya ng pagmamaneho.
Sinabi ni Melitante na salig sa Joint Administrative Order No. 2014-01, pagmumultahin ng P3,000 at isang taong diskuwalipikado na mabigyan ng driver’s license.
Binigyang-diin naman ni LTO Chief Jay Art Tugade na dapat ay irespeto ng lahat ang mga batas at panuntunan hinggil sa trapiko at higit sa lahat ay ang kaligtasan sa mga lansangan.
“Ang pagmamaneho nang nakahubad ay malinaw na kawalan ng respeto sa mga batas-trapiko ng bansa. Ipinapaalala lang po natin na ang pagkakaroon ng driver’s license ay isa lang pribilehiyo na mas makabubuti kung pahahalagahan at hindi aabusuhin,” dagdag pa ng LTO chief. (Dolly B. Cabreza)