Naurong isang araw ang Pista ni San Jose ngayong taon sapagkat tumapat sa Linggo ang tradisyunal na petsa ng selebrasyon nitong Marso 19. Sa kasaysayan, kinikila si San Jose na ‘Tagapagtaguyod ng Banal na Pamilya’ kasunod sa Mahal na Birhen bilang pinakamalapit sa puso ng Panginoong HesuKristo.
Malalim ang pamimitagan ng maraming Katoliko kabilang ang ilang tanyag na mga santo at banal na manunulat sa ‘amain, tagapangalaga at tagapagturo ng Manunubos’ dahil sa kanyang tapat at mabisang pangangalaga, pamamagitan at pagkakaloob ng kahilingan ng mga deboto.
Malapit sa ating puso si San Jose sapagkat sa bisperas ng kanyang kapistahan tinanggap natin ang biyaya ng pagpapari taong 2000. Patuloy ang ating panghihikayat sa iba na humingi ng tulong at sumailalim sa maka-amang pagkalinga ng ‘Patron ng Simbahan’- titulong ibinigay kay San Jose ni Pope Pius IX, noong 1870.
Sa ating eksperiensya, totoo ang turo ng Simbahan na wala pang sinumang humihingi ng tulong sa tapat at masunuring lingkod ng Diyos ang nabigo kailanman. Ang kanyang pangangalaga mariing giit ng Iglesya ay nanatiling ‘lubhang dakila, malakas at napakabilis sa harap ng Diyos.’
Sa Biblia walang nabanggit na anumang salitang binigkas o nasambit si San Jose, gayunman ang kanyang ‘katahimikan’ ay itinuturing ng Simbahan na higit pa sa maraming salita. Talad ni Maria, hindi mabilang ang mga biyayang naipagkaloob dahil sa pagtugon ng simpleng lingkod na ito mula sa lahi ni David.
Dahil sa kanyang payak na pamumuhay, kasipagan, kababaang-loob, katapatan at malalim na pagtitiwala sa Diyos, nananatiling nagniningning na huwaran si San Jose para sa lahat ng Kristiyano at mananampalataya higit sa lahat ng mga ama ng tahanan at pamilya.
Maraming bansa ang kumikilala kay Señor San Jose bilang tagapagtanggol at idolo. Ang mga tanging kahilingan na kadalasang iminumungkahi sa kanya ay mula sa mga nagdududa o nag-aalinlangan, mga namimili ng ari-arian, mga nagsisimula ng bagong buhay o gawain at mga manlalakbay.
Tanyag din ang esposo ni Maria at legal na ama ni Kristo bilang Patron ng mga kaluluwang pumapanaw. Noon at ngayon tumatayong tagapagtanggol si San Jose ng mga kaluluwa sapagkat walang sinumang lumalapit sa kanyang pagkalinga o humingi ang tulong na hindi tumanggap ng lunas,
Agkop sa pagdiriwang ng Kapistahan ng dakilang kabiyak sa puso ng pinagpalang Birheng Maria, na ihabilin ang sarili sa Kanyang kabutihan gamit ang tradisyunal na nobena ng Simbahan:“O San Jose, hindi ako magsasawang pagnilayan ka at si Hesus na nahihimlay sa iyong mga bisig. Yakapin at halikan mo Siya para sa akin at hilingin mong ibalik ang halik na ito sa sandali ng aking huling hininga.” Amen.
San Jose, dakilang kaibigan at gabay sa buhay-espiritwal, ipanalangin Mo kami!