Sa larong baseball, kapag naka-strike 3 ka na, out ka sa at-bat. Sa politika, kahit sampung strikeout o pagkatalo ang inabot mo, puwede ka pa ring tumakbo uli dahil hindi naman ipinagbabawal ang paulit-ulit na pagtakbo ng talunan.
Sa 2025 senatorial elections, may tatakbo na namang talunan sa mga nagdaang halalan. Isa sa posibleng kumandidato ay si Doc Willie Ong na hindi pinalad sa pagtakbong senador noong 2019 at vice president noong 2022.
May mga nagsasabi na kung hindi ito napilit ni dating Manila mayor Isko Moreno na tumakbong vice president noong 2022 elections, baka nanalo na itong senador noon.
Baka nga, ito na ang taon para kay Doc Willie na may higit 10 milyong follower sa social media. Kung taimtim lang na boboto sa kanya ang mga follower o subscriber, mananalo ito.
Matagal nang walang doktor sa Senado, ang pinahuli ay sina Juan Flavier at Luisa Ejercito-Estrada noong 2007 pa. Karamihan sa nakaupo ngayon ay mga abogado, ekonomista, artista, vlogger at mga babaero.
Kapag nanalo si Doc Willie sa 2025 senatorial elections, mapapantayan niya ang record ni Senadora Risa Hontiveros na dalawang beses munang natalo sa pagtakbong senador bago nanalo.
Marami pang mabibigat na pangalan ang babalik sa Senado. Isa na riyan sina dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III at dating senador Panfilo “Ping” Lacson. Tabla ang dalawa pagdating sa edad, parehong 74, pero parehong mas malakas pa sa kalabaw.
“My recent wellness medical check-up result reveals that most probably I can outlive all my remaining past tormentors. The others already passed. Dead or living, I have long forgiven them, but I will never forget their names,” tweet ni Lacson noong Marso 22.
Masasabi nating masikip ang laban sa 2025 senatorial elections, parang biyahe ng jeepney kapag rush hour. Kaya naman ang mga tatakbo, pagalingan sa diskarte.
Pinakamadaling estratehiya ay gumastos ng malaki sa advertisement. Gumastos ng malaki sa ads na hindi lalabag sa patakaran ng Comelec. Suwerte pag nanalo ka sa pamamagitan ng mga komersyal sa telebisyon. Double whammy kapag natalo dahil butas din ang bulsa ng kandidato.
Mas epektib kung marami kang proyekto o programa sa bawat sulok ng Pilipinas. Tulad na lamang ng Malasakit Center na nakadikit na sa pangalan ng isang senador.
Malaki rin ang tsansa ng mga kandidatong magagaling magsalita o kumbaga eh laway lang ang puhunan basta walang kinasasangkutang eskandalo.
Noong 2022 presidential elections, sumuntok sa buwan ni Manny Pacquiao. Kung tatakbo uli siya bilang senador, malaki ang tama niyang manalo.