Hangga’t kaya niya ay inuunawa na lang ni Yassi Pressman ang kanyang mga basher. Aminado siyang ibang-iba na raw talaga ang panahon ngayon.
“Ang tatay ko po, ipinanganak noong 1929. Kinukuwento niya po sa akin when he was still alive, ibang-iba po talaga ‘yung buhay po nila noon,” sey ni Yassi sa mediacon ng Kurdapya.
“Ang problema po nila sa eskwelahan, nananatili po sa eskwelahan. Kapag umuuwi na po sila sa bahay, wala na po ‘yun. Kaya pa po nilang mabuhay kung ano ‘yung normal life nila with their family and friends,” patuloy niya.
Pero ngayon ay iba na nga raw at matindi talaga ang social media natin lalo na sa mga kabataan. Pero kailangan din daw nating intindihin na mayroon ding iba’t ibang pinagdadaanan ang ibang netizens kaya nakakapanakit ng damdamin ng ibang tao.
“Hurt people hurt people basically. Meron din po silang pinagdadaanan, mayroon din silang mga problema na hindi natin maintindihan.
“Kaya kung hangga’t maaari, hindi po natin sila babatuhan ulit ng apoy kung nagbuga na po sila ng apoy. You just really wish na okay, kung kaya mong sumagot nang hindi pasuntok,” ani Yassi.
Pwede naman daw sagutin pero sana raw ay huwag tayong maging parte ng hate culture.
“There’s so many people that’s in pain right now. Napakaraming problema ng mundo, hindi na kailangang dagdagan,” sey pa ng aktres.
Samantala, after FPJ’s Ang Probinsiyano, nagbabalik si Yassi sa isang bagong TV sitcom para sa TV5.
Pinagbibidahan ni Yassi ang titular role ng classic na movie ni Pablo S. Gomez na Kurdapya. Kambal na karakter ngunit galing sa magkaibang antas ng buhay ang gagampanan ni Yassi sa show: si Kuring na probinsiyanang mahilig sa vlogging, at si Daphne na isang tila perpekto at mayamang dilag ngunit kulang sa pagmamahal na anak.
Mula sa direksyon ni Easy Ferrer, napapanood ang Kurdapya sa TV5 tuwing Sabado 6pm, may catchup episodes din sa Sari Sari channel tuwing Linggo 8pm. (Vinia Vivar)