Dalawang lalaki ang natagpuang patay na hinihinalang nakuryente habang nanghuhuli ng alimango sa isang latian sa Brgy. Binagbag, Agdangan, Quezon.
Ayon sa report ng Agdangan police, unang napaulat na nawawala ang mga biktimang sina Federico Ursula, 40, at Gerry Ligua, 30, kapwa residente ng Brgy ilayang Bulo, Unisan.
Noong Miyerkules, Marso 22 nang magpaalam umano nang mga biktima na manghuhuli ng alimango sa hindi tinukoy na lugar.
Subalit simula noon ay hindi na nakauwi ng bahay ang dalawa.
Sabado ng hapon ng madiskubre ng isang lalaking nangunguha ng kahoy sa lugar ang mga biktima na nakalubog sa tubig ng latian.
Nakasabit pa ang isa sa mga biktima sa live na kable ng kuryente na ginagamit na pailaw sa isang kalapit na fishpond.
Hinala ng pulisya nakuryente ang mga biktima, gayunman patuloy pa ang imbestigasyon upang matiyak na walang foul play sa nangyaring insidente. (Ronilo Dagos)