Hindi lamang pagtitipid sa kuryente at iba pang gastusin ang dapat paghandaan ng mga Pinoy, dahil kahit ang paggamit ng tubig dapat maging wais na rin.
Kasunod ito ng babala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na may namumuong El Niño na mararamdaman sa bansa sa ikatlong quarter ng taon at tatagal hanggang sa 2024.
Magdudulot ito ng pag-init ng temperatura ng karagatan at kakaunting pag-ulan na magdudulot naman ng dry spells, mas matagal na tagtuyot, at malalakas na bagyo.
Posible rin na makaranas ng higit sa normal na pag-ulan sa kanlurang bahagi ng bansa sa panahon ng habagat.
Huling naranasan ang El Niño noong 2018 hanggang 2019 na nagresulta sa water shortage sa Metro Manila at kalapit na mga probinsya. Bilyon din ang naging pinsala nito sa agrikultura dahil sa epekto sa produksyon.
May mga tips na binigay ang Pagasa para sa mga Pinoy tulad ng: paggamit ng baso sa pagsisipilyo, maligo sa loob ng limang minuto, paggamit ng timba sa paglinis ng kotse at bike, paggamit ng planggana sa paghugas ng pinggan, at pagkolekta sa tubig-ulan.