WebClick Tracer

METRO

7 Tau Gamma Phi kinasuhan ng homicide, Anti-Hazing Law sa Cebu

Pitong miyembro ng Tau Gamma Phi fraternity sa Cebu City ang kinasuhan ng homicide at paglabag sa Anti-Hazing Law sa pagkamatay ng isang neophyte sa initiation rites noong nakaraang taon.

Sinabi ni Cebu City Police Office (CCPO) spokesperson LtCol. Maria Theresa Macatangay, ang pito ay pinangalanang respondents sa mga reklamong inihain para sa pagkamatay ni Ronnel Baguio, 20, isang marine engineering student, sa Cebu City Prosecutor’s Office noong Marso 22.

Kabilang sa pito ang may-ari ng tahanan kung saan naganap ang hazing, ang gurong nag-recruit kay Baguio, at mga matataas na opisyal ng fraternity.

Itinago ng Public Attorney’s Office ang mga pangalan ng mga suspek ngunit ibinunyag ng pulisya na kasama sa mga kinasuhan ang Grand Triskelion, Deputy Grand Triskelion, Master Initiator, at ilang residenteng miyembro ng fraternity.

Sa isang press briefing, sinabi ni Macatangay na may malakas na kaso ang mga awtoridad at kumpiyansa silang maglalabas ng warrant of arrest laban sa pitong fratmen.

Apat sa mga suspek na naunang sumuko ay umamin sa kanilang pagkakasangkot sa pulisya.

Idinagdag ni Macatangay na posibleng humingi ng hold departure order ang mga awtoridad laban sa mga suspek.

Ang ina ni Baguio na si Leny ay nagpahayag ng kanyang pasasalamat sa tulong na kanyang natanggap sa paghahanap ng hustisya para sa kanyang anak.

Sangkot din ang Tau Gamma Phi fraternity sa pagkamatay ng Adamson student na si John Matthew Salilig, na binawian ng buhay sa mga pinsalang pinaniniwalaang natanggap sa initiation rites noong Pebrero. (Dolly B. Cabreza)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on