WebClick Tracer

METRO

Colonel todas sa mga kawatan

Dead on the spot ng tamaan ng bala sa ulo ang hepe ng San Miguel, Bulacan PNP, habang tinamaan naman ng stray bullet ang 17-anyos na binatilyo nang pagbabarilin ng dalawang armadong magnanakaw ang sasakyan ng opisyal nang habulin at maabutan nila ang mga ito sa San Ildelfonso, Bulacan, noong Sabado ng gabi.

Agad namang nag-alok ng kabuuang P1.2 milyong pabuya ang Department of the Interior and Local Government (DILG) Police Regional Office (PRO) 3, Philippine National Police (PNP) at pamahalaang-panlalawigan ng Bulacan para sa makapagtuturo sa mga suspek na pumatay kay P/Lt. Col. Marlon Serna, 39, produkto ng Philippine National Police Academy (PNPA) at hepe ng San Miguel Municipal Police Station.

Sa ulat, P500,000 ang mula kay DILG Secretary Benhur Abalos, P300,000 mula kay PRO 3 director P/Brig.Gen. Jose Hidalgo, P200,000 mula kay PNP chief Maj. Gen. Rodolfo Azurin Jr. at P200,000 mula kay Bulacan Gov. Daniel Fernando.

Ayon kay Hidalgo, kasama si Serna sa mga humabol sa riding in tandem nang matanggap niya ang ulat tungkol sa nakawan sa Barangay San Juan bandang alas-9:00 ng gabi.

Gamit ang kanyang sariling itim na Ford Ranger, hinabol ng grupo nina Serna ang mga suspek hanggang maispatan nila ang mga ito sa Barangay Buhol na Mangga sa San Ildelfonso.

Pinaputukan ng mga pulis ang mga suspek pero gumanti ang mga ito at tinamaan ng bala sa ulo si Serna.

Namatay ito habang ginagamot sa Emmanuel Hospital. Dinala rin sa nasabing ospital ang sugatang binatilyo na residente ng Brgy. Soledad, Sta.Rosa, Nueva Ecija.

Samantala, tumakas ang dalawang suspek lulan ng Mio na motorsiklo patungong Barangay Akle, San Ildefonso.

Nagresponde rin sa lugar ang San Ildefonso police sa pangunguna ni P/Lt.Col.Russel Denñis E.Reburiano na nagsasagawa rin ngayon ng follow-up investigation sa insidente. (Jun Borlongan)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on