Kinasuhan na ang 17 opisyal at miyembro ng Cavite Samaritans Eagles Club ng paglabag sa Anti Hazing Law sa pagkamatay ng isa nilang kasamahan sa isinagawang hazing sa Imus City, Cavite, halos isang buwan na ang nakalilipas.
Kasong paglabag sa RA 11053 (An act prohibiting Hazing and Regulating Other Forms of Initiation Rites of Fraternities, Sororities, and Other Organization, and Providing Penalties for Violation Thereat” ang isinampa sa Office of the City Prosecutors Office ng Imus City noong Huwebes (March 23) ng mga magulang ng biktimang si Glen Albert Aguinaldo Binoya, na humihingi ng hustisya sa pagkamatay nito matapos ang halos isang buwan nilang pananahimik.
Kinondena naman ni Cavite Provincial Director, Police Colonel Christopher F. Olazo ang pangyayari matapos marinig at makita ang video sa Facebook ng nasabing initiation rites at ipinag-utos nito sa Chief of Police ng Imus City Police Station na magsagawa ng malalimang imbestigasyon, at makipagtulungan sa pamilya ng biktima.
Maging ang Cavite PNP ay kinondena ang anumang klase ng hazing na nalalagay sa alanganin ang buhay ng isang indibidwal at hinikayat ang anumang organisasyon, lalon na ang mga fraternities at sororities, na itigil ang nakasanayan na hazing bagkus tangkilikin ang halaga ng teamwork at camaraderie.
Matatandaan na January 8, 2023 nang nagsagawa ng initiation rites ang grupong Cavite Samaritans Eagles Club sa Southdale International School sa NIA Road, Imus City, Cavite.
Bahagi ng isang pagiging miyembro ng isang aplikante na sasailalim sa initiation rites kabilang ang calisthenics o physical activities sa gitna ng sikat ng araw.
Sinasabing humingi umano ng tubig ang biktima nang makaramdam ng matinding sakit sa ulo na nagresulta ng “lock-bite bleeding” at pagdurugo ng bunganga.
Isinugod ang biktima sa Ospital ng Imus kung saan saan nasuri na Acute Intraparenchymal hemorrhage, pons with extensions and minimal surrounding perilesional edema.
Inilipat ang biktima sa Imus Doctors Hospital noong March 9, 2023 kung saan ito nasawi. (Gene Adsuara)