BINULAGA ng Petro Gazz Angels ang defending champions Creamline Cool Smashers 25-22, 24-26, 25-23, 26-24 kasunod ng mahusay na pangkalahatang laro ni Jonah Sabete sa Game 1 ng best-of-three championship series ng 2023 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference, Linggo ng gabi, sa larong dinaluhan ng 11,532 manonood sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Iika-ika mang nakikipaglaban para sa kagustuhang manalo, nagpakitang-gilas pa rin si Sabete sa kabuuang 18 puntos mula sa 16 atake at dalawang blocks kasama ang 15 excellent receptions at 10 digs upang lumapit sa back-to-back titulo mula sa pagkapanalo sa 2022 Reinforced Conference.
“Inasahan na namin na powerhouse talaga ang Creamline kaya alam namin na hindi sila magpapatalao nang basta-basta kaya kami nag-stay lang sa game plan, focus at mag-enjoy lang sa court. Lalaban kami kahit nag-cramps na at didikdikin namin ang sarili para makuha iyung panalo,” pahayag ni Sabete na nakuha ang kanyang ikalawang best-player-of-the game honor nang tulungan ang koponan sa winner-take-all semifinal battle kontra PLDT High Speed Hitters.
Ito ang unang beses na nagawang talunin ng Petro Gazz ang Creamline sapol pa noong magtapat sila sa Finals ng 2019 Reinforced Conference sa winner-take-all Game 3 sa tulong ng imports na sina Wilma Salas at Janisa Johnson.
Ito rin ang unang pagkakataon na nakapasok at nakapanalo sa Finals si coach Oliver Almadro na pumasok sa koponan bago ang pagbubukas ng liga matapos mag-resign sa Choco Mucho Flying Titans noong nagdaang kumperensiya.
Hindi sila nakatikim ng panalo sa paghaharap nila sa 2022 Open Conference Finals, kung saan naglaro pa si Alyssa Valdez.
“Pagdating ng Game 2, patuloy pa rin kaming mag-stick sa game plan, passing at defense na talagng tututakan namin, kasi sabi ni coach (Almadro) mag-follow na lang ang points kung may depensa kami sa laro,” paliwanag pa ni Sabete sa gaganaping Game 2 sa Martes. (Gerard Arce)