Binawal ng Department of Agriculture ang pag-angkat ng baka at mga karneng baka pati na mga produktong hango dito na mula Brazil.
Sa Memorandum Order No. 23 series of 2023 na pinirmahan ni DA Senior Undersecretary Domingo Panganiban noong Marso 22, bawal na mag-angkat ng baka at mga produktong galing sa baka mula sa Brazil dahil tinamaan ito ng Bovine Spongiform Encephalopathy noong Enero 18, 2023.
Iniuugnay ang BSE sa Mad Cow Disease na nakakaapekto naman sa tao.
Sa bisa ng MO No. 23, suspendido na rin ang pagproproseso ng mga aplikasyon ng mga permit sa pag-angkat ng baka mula Brazil dahil sa maaaring maging panganib nito sa mga tao na kakain ng mga ito.
Sabi ni Panganiban, papayagan pang pumasok ang baka galing Brazil kung ito ay kinatay bago noong Disyembre 18, 2022.
Brazil ang pinagkuhanan ng pinakamaraming baka at karneng baka ng Pilipinas nu’ng 2022 na umabot sa 69.7 milyong kilo o 69,708 tonelada, ayon sa datos ng Bureau of Animal Industry. (Eileen Mencias)