WebClick Tracer

METRO

Planong pambobomba sa Maguindanao nasawata

Napigilan ang planong pambobomba sa Maguindanao del Sur nang marekober ng mga tropa ng pamahalan ang walong bomba mula sa napatay na miyembro ng communist terrorist groups.

Nakuha ng mga awtoridad ang walong improvised explosive device (IED) matapos na mapatay ang limang miyembro ng teroristang Dawlah Islamiyah-Hassan Group sa isinagawang operasyon ng Joint Task Force Central sa mga bayan ng Pagalungan at Montawal, Maguindanao del Sur.

Sa ulat kahapon, nangyari ang insidente noong Marso 21, 2023.

Sinabi ni Col. Donald Gumiran, Commander ng 602nd Infantry (Liberator) Brigade, nakatanggap sila ng impormasyon mula mismo sa mga residente ng mga Barangay Dungguan, Montawal at Dalgan, Pagalungan na nagkakampo sa lugar ang teroristang DI-Hassan Group, na pinamumunuan ng isang Almoben Sebod.

Ayon sa mga nagbigay ng impormasyon, planong magsagawa ng terroristang grupo ng pagpapasabog sa mga matataong lugar sa probinsya ng Maguindanao at Cotabato sa pagbubukas ng Ramadan.

Matapos makumpirma ang ulat mula sa iba pang mga impormante, ay agad na nagkasa ng operasyon ang JTF Central sa pamamagitan ng 602nd Brigade upang pigilan ang madugong plano ng terroristang grupo.

Matagumpay na nakalapit ang mga kasundaluhan na agad namang pinaputukan ng mga terorista na nauwi sa humigit kumulang isang oras na sagupaan.

Sa tulong ng kanyon at eroplanong pandigma, napasok ng mga kasundaluhan ang pinagkukutaan ng mga terorista at tuluyang naagaw ang walong bomba o IED na nakahanda na sanang ilatag at pasabugin anumang oras.

Samantala, limang terorista naman ang kumpirmadong namatay at isa ang nadakip habang tumatakas.

Narekober mula sa nadakip ang isang calibre .45 pistol, mga bala ng Garand Rifle, mga sangkap sa paggawa ng IED at siyam na cellphones na ginagagamit din sa pagpapasabog.

“Napigilan natin ang plano nilang pagbomba laban sa mga inosenteng sibilyan, gumawa ng pananakot at pananabotahe sa kapayapaan sa panahon ng Ramadan. Matapos nating mabawi ang walong pampasabog mula sa teroristang grupo at matiyak na napigilan na natin ang madugo at karumaldumal nilang plano, ay agaran nating pinahinto ang operasyon upang bumalik sa normal ang pamumuhay sa mga apektadong lugar at makapagdiwang ng Ramadan ang mga residente nito sa kani-kanilang tahanan,” sabi ni 602Bde Commander, Col. Gumiran. (Catherine Reyes)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on