WebClick Tracer

NEWS

10 suspek naglungga sa Teves sugar mill

Ni Nancy Carvajal

Mga sinunog na damit at dokumento na mula umano sa 10 suspek sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo ang nahukay sa sinalakay na sugar mill compound na pag-aari ng dating provincial governor na si Pryde Henry Teves.

Ayon sa source, patunay umano ito na nanatili sa loob ng sugar mill compound ang mga suspek bago at pagkatapos isagawa ang pagmasaker kay Degamo at iba pang biktima noong Marso 4.

“The recovered remnants of clothes and documents buried inside the compound proved that the gunmen stayed there before and after the assault on March 4,” sabi ng source.

Kabilang umano sa mga ebidensya na nadiskubre pa sa sugar mill ay isang certificate na nakapangalan sa isa sa mga naarestong suspek na si Sgt. Joven Javier na kasalukuyang nasa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI).

Base sa source, hanggang sa sinusulat ang balitang ito ay patuloy pa ang paghalughog ng mga awtoridad sa sugar mill compound sa pamamagitan ng search warrant na inisyu ng regional trial court judge mula sa Mandaue City.

Ngunit wala na umanong natagpuang mga baril, bala at iba pang kontrabando sa lugar kung saan nagsagawa ng paghalughog.

Ayon sa source, isa sa mga inarestong tauhan ng sugar mill ang siyang nagturo sa mga pulis sa pinagbaunan ng mga natira mula sa sinunog na damit at dokumento ng mga suspek.

“Tinuro ng isa sa mga arrested `yung mga damit at personal effects of the gunmen. Sa pagmamadali, hindi na nasunog ng maayos,” ayon sa source.

Ipinatupad ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang search warrant kaugnay sa paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa compound na pag-aari ng nakababatang kapatid ni Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr.

Una nang nadiskubre sa paghalughog ng mga awtoridad sa compound ang iba’t ibang uri ng bala, explosive devices at matataas na kalibre ng baril. May natagpuan din na mga pera na umaabot sa P19 milyon ang halaga.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on