Inendorso na ng House committee on overseas workers affairs ang isang panukala na magpapadali sa mga prosecutor ng gobyerno na usigin ang mga sindikato na sangkot sa illegal recruitment.
Aamyendahan ng House Bill 7718 ang Labor Code of the Philippines.
Sa ilalim ng panukala ang illegal recruitment ay ituturing na ginawa ng isang sindikato kung sangkot sa paggawa ng krimen ang dalawa o higit pang indibidwal.
Sa kasalukuyan, ang itinuturing na sindikato ay dapat hindi bababa sa tatlong miyembro.
Nakasaad din sa panukala na kapag ang illegal recruitment ay ginawa ng sindikato, ituturing ito na economic sabotage. Habambuhay na pagkabilanggo at multang P100,000 ang parusa sa economic sabotage.
Layunin ng panukala na proteksyunan ang publiko sa pamamagitan ng mas mabilis na paghabol sa mga illegal recruiter. (Billy Begas)