Isasailalim umano sa state of calamity ang buong Oriental Mindoro dahil sa oil spill matapos lumubog ang MT Princess Empress sa karagatan ng probinsya.
Sinabi ito ni Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor nitong Huwebes matapos na makatanggap umano siya ng report kamakalawa ng gabi mula sa Department of Health at Department of Environment and Natural Resources.
“Nag-utos na rin po ako kagabi na ihanda ang rekomendasyon para sa deklarasyon ng state of calamity for the entire province, hindi lamang po para sa area na naunang naapektuhan ng oil spill,” wika ng gobernador sa panayam ng Teleradyo kahapon.
Samantala, kinumpirma rin ni Dolor nitong Huwebes na umabot na sa mga bayan ng Baco at San Teodoro ang oil spill mula sa MT Princess Empress.
“Ayun sa huling pagsusuri ay may presence of grease and oil na rin ang marine protected area ng Baco at San Teodoro. Agad tayong nanawagan sa Pamahalaang Nasyunal para sa karagdagang tulong sa ating mga kababayan. Nakikipag-usap na rin tayo sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na magmungkahi ng alternatibong lugar kung saan maaaring mangisda ang mga apektadong mamamayan,” pahayag ng gobernador sa kanyang Facebook page.
Lumubog ang MT Princess Empress sa karagatan malapit sa Naujan, Oriental Mindoro noong Pebrero 28, 2023. May karga ito na 800,000 litro ng industrial fuel.