Marami ang hindi natuwa sa balitang merger ng Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines. Karamihan dito ay mga empleyado raw mismo ng dalawang bangko.
Noong sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na P5 bilyon daw ang magiging savings sa merger ng dalawang bangko ng gobyerno, nagduda na ako kung ano ang magiging kapalit nito.
Nitong Huwebes nga, may mga nagsalita na hindi lahat ng empleyado ng Land Bank at DBP ay ia-absorb. Ibig sabihin tsugi sila sa trabaho.
Aabot sa 100 sangay ng dalawang bangko ang isasara dahil sa merger. Kung sampung empleyado meron sa isang branch, ilan lahat ito?
Napakasakit mawalan ng trabaho ngayong panahon na hindi pa nakakarekober ang ekonomiya ng Pilipinas. Marami kasing negosyo ang nagbawas din ng tao upang gumaan ang pinapasan nilang overhead.
Kaya nga may punto si dating Senador Panfilo Lacson na maraming maliliit na negosyo ang aaray kapag dinagdagan pa ang leave ng mga babaeng empleyado.
Matagal nang nauudlot ang merger ng Land Bank at DBP pero ngayon lang ito nagkaroon ng katuparan sa panunungkulan ni Finance Secretary Benjamin Diokno na dati ay kumokontra rito.
Ang Land Bank at DBP na ang magiging number 1 bangko sa Pilipinas. Malilikha nila ang super monopoly dahil hawak nila ang account ng mga local government unit.
Kung masisipa nila ang Banco de Oro sa number 1, dapat magbago rin ang serbisyo ng Land Bank at DBP. Pero sa tingin ko malabong mangyari ito dahil tiyak na ganun pa rin ang serbisyo.
May ilang branch ng Land Bank ang maganda ang serbisyo. Pero karamihan sa napuntahan ko, parang panahon pa ng dekada 80 ang sistema.
Sa ibang pribadong bangko, pagandahan ang serbisyo. Touchscreen ang pagkuha ng numero para sa transaksyon samantalang sa Land Bank, mano-mano pa rin kaya talasan ang pandinig dahil posibleng malampasan kapag tinawag ang number. Hassle di ba?
Magkaiba rin ang mandato ng dalawang bangko. Buti sana kung maihahalintulad sila sa gulay na pwedeng gawing chop suey. Eh paano kung tubig at langis ang dalawa? Nakakatakot na masakripisyo ang mga magsasaka at mangingisda na siyang mandato ng Land Bank na tulungan,
Gusto ko na tuloy maniwala na ang merger ng bangko ay preparasyon para sa paglikha ng Maharlika Investment Fund. Pero masyado pa itong maaga dahil hindi pa naisasabatas ang lilikha sa MIF.
Land Bank at DBP ang magiging pinakamalaking bangko sa Pinas, pero kapag nayari sila ng bank run, sila ang may pinakamalaking problema. Makapag-ipon na nga lang sa alkansya.