Lumiliwanag na ang sitwasyon ngayon sa `Eat Bulaga’ dahil malaki ang posibilidad na magpatuloy pa rin sa pag-ere ang longest-running noontime show kasama ang trio nina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon.
Ayon sa source ng Abante Tonite, nagkaroon ng meeting sa pagitan ng TAPE Inc. ng pamilya Jalosjos at ng grupo ng TVJ.
Sa naturang pagpupulong, pumayag umano ang mga Jalosjos sa lahat ng demand ng mga host ng `Eat Bulaga’.
Kabilang sa mga napagkasunduan ay hindi manghihimasok ang TAPE Inc. sa mga tauhan sa production staff ng `Eat Bulaga’.
Ibig sabihin, walang mapapalitan o tatanggalin sa production team ng longest-running noontime show.
Ang grupo rin nina Tito, Vic at Joey ang magkakaroon ng `final say’ pagdating sa pagpapatakbo ng production ng `Eat Bulaga’.
Matatandaan na unang napabalita na balak umano ng mga Jalosjos na alisin ang mga miyembro ng production staff ng `Eat Bulaga’ para sa nakaambang rebranding ng show.
Ngunit sa latest development mula sa source ng Abante Tonite ay mukhang walang magiging pagbabago sa noontime show dahil sa kasunduan ng pamilya Jalosjos at ng iconic trio. (Mark Patriarca)