Sa sobrang tindi ng init ng panahon, marami ang namamasyal ngayon sa mga beach para magtampisaw.
Top on the list pa rin ang pamosong isla ng Boracay sa Aklan. Talaga namang dinarayo ito ng mga turista, mapa-lokal man o banyaga.
Maraming water activities ang mapaglilibangan sa isla. Isa na rito ang parasailing.
Sa water activity na ito, kakabitan ng harness ang mga pasahero na tila saranggolang liliparin ng hangin sakay ng parachute na nakatali sa bangka.
Pero nitong Nobyembre, nalagay sa balag ng alanganin ang pamilya ni Niko Venezuela matapos mapatid ang lubid na nag-uugnay sa parachute sa bangka.
Kuwento ni Niko, excited silang pamilya na mag-parasailing dahil first time daw nila itong gagawin. Kasama ni Niko noon ang kanyang maybahay at siyam na taong gulang na anak.
Wala raw silang kakaba-kaba nang sumakay rito. May limang minuto na sila sa alapaap, halos 50 feet ang taas. Sa di inaasahang pagkakataon, bigla raw napatid ang lubid ng parachute na nakakabit sa bangka.
Imbes mag-panic, kumalma raw silang pamilya. Pero ang misis ni Niko na si Mikee, hindi ikinailang natakot dahil kasama nila ang kanilang anak na si Kael.
Masuwerteng sa tubig din naman nag-landing ang parachute na sinasakyan nila. Bagaman ligtas silang tatlo, nagtamo naman ng pasa sa kanyang kanang braso si Niko dahil sa lakas ng impact ng pagkakabagsak sa tubig.
Mabilis din daw na rumesponde sa kanila ang mga rescuer sa lugar, hinila sila patalikod at isinakay sa ibang bangka para masiguro ang kanilang kaligtasan.
Dahil sa insidente, mas naghigpit na ng kanilang safety protocols ang Boracay Water Sports Association.
Ayon sa ilang safety experts, sakaling maputulan ng lubid habang nagpa-parasailing – manatili raw kalmado. Hawak ding maigi ang dalawang gilid ng harness. Siguruhin ding naka-life vest para siguradong lulutang sakaling bumagsak mula sa sinasakyang parachute. Huwag ding mag-alala dahil may on-standby rescuers naman sa area.
Ang sa akin lang, hindi naman masamang maging adventurous – basta tiyakin lang na safe and sound ang water activities na ating susubukan!