Bagamat nakapagpahayag na ng kanilang mga argumento ang TVJ (Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon) sa pamamagitan ng dating Senador Tito, at si Mayor Bullet Jalosjos ng TAPE, Inc., tungkol sa sitwasyon at isyu ng ‘Eat Bulaga’, nananatiling wala pa ring resolusyong naaabot ang magkabilang panig.
Mula kasi nang magsalita si Bullet sa isyu, at sagutin ni Tito Sen ang kanyang mga alegasyon, nagdeklara na rin ng ‘giyera’ ang TVJ sa mga Jalosjos.
Sa ngayon, bukod sa sinabi ni Vic Sotto na nabayaran na siya ng mga Jalosjos sa delayed talent fees, tikom pa rin ang kanyang bibig tungkol sa status quo ng nasabing longest running noontime show.
Sa basa naman ng kibitzers sa sinabi ni Tito Sen, gusto nilang manatili ang creative control ng programa kung saan may intellectual property rights diumano sina Vic at Joey.
May mga naurirat naman kami tungkol sa atmosphere sa live at taping ng nasabing show.
Ayon sa ilang sources, masaya naman daw ang Dabarkads sa kanilang daily routine.
Pero, wait and see lang daw ang attitude ng production people at ninanamnam lamang ang kanilang show on a daily basis.
In other words, aligaga pa rin sila sa kung ano ang magiging kahihinatnan ng giyera ng TVJ at ng TAPE, Inc. na producer ng show at majority stakeholder ang pamilya Jalosjos.
Tinanong namin ang ilang showbiz insiders sa kanilang ‘take’ sa nangyayaring ito sa longest running noontime show ng Pilipinas at halos unanimous naman ang mga nakuha kong sagot.
Anila, bagamat balido ang mga argumento ng bawat panig, mahirap daw para sa TVJ na makipagtrabaho sa mga taong hindi na sila kumportable.
Isa rin daw sa masaklap na katotohanan na minsan ay kailangang tanggapin ay ang kung sino, at the end of the day, ang may hawak ng kaban na pangsuweldo sa mga empleyado o talents ng show.
Sa ganang kanila, tulad sa Hollywood, at maging sa local entertainment industry, hindi raw mapasusubalian ang kapangyarihan ng impluwensiya kaya buhay na patotoo na umaayon dito ang kasabihang ‘money talks’.
Bagamat ayaw nilang pangunahan, sa ngayon, abangers din sila kung ano ang magiging ending ng pakikipagtikisan ng TVJ sa mga Jalosjos.
Kung mauuwi raw naman ito sa demandahan, isang mahabang proseso ito na tiyak na makakaapekto sa show.
Anyway, sana nga raw sa tamang panahon ay maresolba na ng both parties kung anuman ang kanilang ‘di pagkakaunawaan.