Nasagip ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police (PNP) at Royal Malaysian Police kamakalawa ang 17 Malaysian matapos magpasaklolo ang mga ito dahil problemado sa pinasukang isang kompanya sa Kawit, Cavite.
Sa inilabas na statement ng PNP kahapon, isinagawa ang operasyon alas-10:30 ng gabi nitong Biyernes ng Police Regional Intelligence Division 4-A (Calabarzon), at Royal Malaysian Police, sa koordinasyon na rin sa lokal na pulisya at Directorate for Intelligence.
Nagpasaklolo ang 17 Malaysian dahil sa hindi umano magandang kondisyon ng kanilang kompanya at gusto na nilang magbitiw sa trabaho.
Kinilala ang mga ito na sina Steve Sim Vui Leong, Kong Seeing Hock, Lai Yen Fan, Tiu Yong Yong, Tommy Wong Chiong Ming, Jane Liong Siew Jiun, Chua Wei Tung, Ang Kian Long, Antonio Alex Samuel, Stephen Pang Ying Kwong, Simon Chee Yung Fock, Stephanie Sim Do Do, William Law Hing Liong, Bong Ju Fong, Algyen David, Yaw You Ming, at Jalan Rambai Paya Terubong.
Matapos ang operasyon ay agad namang tinurn-over ang 17 dayuhan kay Supt. Norazman Hassan Basari, Police Attache ng Malaysian Police. (Edwin Balasa)