Sa tubuhan na natagpuan at nakabalot pa ng bed sheet ang isang lalaki na ilang araw nang naiulat na nawawala matapos makipag-eyeball sa menor de edad nito na chatmate sa Dingle, Iloilo.
Kinilala ang biktima na si Dave Ablanzar, 35, na huling nakitang buhay noong Huwebes.
Sa imbestigasyon, nakilala ng 17-anyos chatmate ang biktima sa isang pista sa Pototan noong Mayo 8, at naging chatmate ang dalawa.
Nagkita ang dalawa nitong May 11 sa bahay ng suspek na si Andrei Ticar, 20-anyos.
“Habang nag-iinuman sila, niyaya ng victim ang minor na makipag-sex kaso nag-refuse ang minor. Doon na sila nag-grapple,” sinabi ni Police Captain Aileen Lacrite, hepe ng Dingle Municipal Police Station.
Sinasabing nagpasaklolo ang dalagita kay Ticar at pinalo umano nito ang biktima gamit ang martilyo.
Sinakal din, binalot sa bed sheet ang biktima at itinapon sa tubuhan.
Nabatid na mismong ang mga suspek pa ang nagsabi kung saan ang bangkay. (Catherine Reyes)