Ni Nancy Carvajal
Inaaasahan na ang paglipat sa Camp Crame ng 11 suspek sa Degamo slay mula sa National Bureau of Investigation (NBI) sa sandaling aprubahan ito ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos.
Nabatid sa insider ng Abante Tonite na inendorso ni Justice Secretary Crispin Remulla ang paglipat ng eleven suspect sa nangyaring masaker sa Negros Oriental subalit hindi pa maisakatuparan dahil wala pang pirma si Abalos para sa nasabing hakbang.
“It has been authorized by Sec Remulla, but the DILG secretary has to sign in on it,’’ ayon pa sa insider.
Ang hakbang para iipat ang mga suspek sa pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at siyam na iba pa mula sa NBI detention facility sa Camp Crame Custodial Center ay dahil sa alegasyon ng bribery ng isang dating Justice Undersecretary.
Nauna nang sinabi ni Atty. Levito Baligod, counsel ng Degamo family sa media na ilang NBI jail guard ay maaaring nakompromiso pabor sa inaakusahang si Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves.
Matatandaang nagsampa ang NBI ng multiple murder at frustrated murder charges against laban kay Cong Teves at Marvin Miranda bilang mga masterminds sa masaker sa gitna ng ulat na pagbawi ng ilang gunmen na naunang nagnguso kina Teves at Miranda bilang mga utak ng massacre.
Kinasuhan ang 11 suspek na magkakahiwalay na inaresto sa ilang police at military operation.
Ang mga gunmen na nasa ilalim ng kustodiya ng NBI ay sinasabing nagbigay ng kanilang statement nang kusang-loob sa ginanap na imbestigasyon sa presensiya ng abogado mula sa Public Attorney’s Office at naka-record ang nasabing mga video.