Inamin naman ni Alden Richards na talagang pumalpak siya sa kanyang pagho-host ng Miss Universe-Philippines na ginanap last May 13, 2023.
Sa interview ni Ogie Diaz kay Alden, sinabi ng aktor na masarap daw sa pakiramdam na makapag-host ng isang prestigious pageant pero ‘yun nga lang, nagkaroon ng kapalpakan.
“Masarap ho sa pakiramdam, different experience po kaya lang, medyo sablay nun’g una, eh,” sabi ni Alden.
Matatandaang sumablay si Alden sa announcement ng Miss Friendship award. Inanunsiyo niya na ang kandidata mula Agusan del Norte na si Jannarie Zarzoso ang nanalo.
It turned out na ang winner talaga ay si Shayne Glenmae Maquiran ng Capiz.
Binawi naman agad ito ni Alden at wagi rin naman kasi si Miss Agusan del Norte ng Face of Social Media Award kaya sabay na sila sa stage ni Miss Capiz.
Dahil dito ay nabatikos ng mga netizen si Alden at ang bansag sa kanya ay nagpaka-Steve Harvey raw ang aktor.
It could be recalled na lubhang naging napakalaking kontrobesiya ang pagkakamali ng host na si Steve Harvey sa pag-anunsiyo ng pangalan ni Miss Colombia Ariadna Gutierrez bilang Miss Universe 2015 sa halip na si Pia Wurtzbach ng Pilipinas.
Ayon kay Alden, nasalo naman daw niya agad ang pagkakamali at wala naman daw siyang sinisising ibang tao sa nangyari.
“Wala naman pong may kasalanan, ayoko naman pong manisi ng tao pero na-address naman po, nasalo naman po natin nang maayos and sana po, hindi ‘yun ang huli. Sana po, makapag-host pa tayo ng ibang prestigious pageants,” he said.
Paliwanag ni Alden, baligtad ‘yung pagkaka-paste ng name ng dalawang winners.
“Nasa ilalim po ‘yung Friendship, tapos nasa taas po ‘yung Social Media. Eh Friendship po ‘yung una kong binanggit,” paliwanag niya.
Pareho naman daw winners ang dalawang binanggit niyang kandidata at naitama din naman niya agad.
Sa bansag na siya na raw ang bagong Steve Harvey, natawa na lang ang Kapuso actor.
“I think that as a compliment po,” sambit niya.
Natutuwa naman si Alden na mas marami raw ang pumuri sa kanya dahil sa maayos niyang pagkakasalo ng pagkakamali.
“More on natatawa po sila (netizens), kasi parang kung paano ko raw po na-handle ‘yung ganu’ng situation. Pero it’s really more of. . .kung pangit po kasi ang pagkakasalo nu’n, medyo ka-bash-bash po ‘yun, eh. Pero kung hindi po natin naitawid nang maayos, which is naitawid naman po. Naging maayos naman po ‘yung delivery ng awards,” aniya.
Nagpasalamat ang aktor sa training niya bilang host sa ‘Eat Bulaga’ dahil naitawid niya nang maayos ang mga ganitong pagkakamali.(Vinia Vivar)