WebClick Tracer

OPINION

Hindi bagay sa isang VP

Magkahalo ang naging reaksyon ng mga netizen sa Hulaan Blues ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte nitong Linggo.

Marami ang naaliw at mayroon ding nadismaya sa Instagram post ni VP Sara na may caption na “sa imong ambisyon, do not be tambaloslos”.

Sabi ng iba, bilang Bise Presidente, dapat ay hindi siya gumagamit ng ganitong pananalita. May iba namang nagsabi na bilang DepEd Secretary, dapat magpakita ito ng magandang ehemplo sa mga kabataang mag-aaral.

Ilan sa mga nabasa nating reaksyon ay : “Very kanal VP”, “Mga linyahan ng mga nagger sa social media 😁parang di bipi 🥴”,”Kelan Kaya Ito magtratrabaho?!

May isa namang nagkomento na wala siyang pakialam sa pinag-uusapang isyu bagkus ay nagtanong ito kung kailan mailalabas ang Performance Based Bonus (PBB) nila sa DepEd.

Hindi na nakakabigla na maglabas ng ganitong komento ang Bise Presidente. Tatak Duterte ito na nagustuhan ng maraming Pilipino. Halos ganito rin magsalita ang kanyang amang dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte pero mas grabe nga lang dahil may kasama pang pagmumura.

Sa panahon na namamayagpag ang social media at mga vlogger, mas kinakagat ang bardagol na pananalita, kahit na nanggaling pa sa iginagalang na mga opisyal ng gobyerno.

Naaaliw lang ako sa mga nagtatanong kung ano ang ibig sabihin ng “tambaloslos”. Marunong din akong magsalita at umintindi ng kaunting Bisaya pero yung “imo” lang ang naintindihan ko at hindi yung tambaloslos.

Sabi ng iba, ang ibig sabihin ng tambaloslos ay inutil, walang silbi, puro salita o nagbubunganga lang, taong hindi pagkakatiwalaan at iba pa.

Napag-usapan din ang Bicol folklore na ang tambaloslos ay isang halimaw na may kakaibang bibig at malaking ari na nanggagalaw umano ng mga nakukursunadahan nitong babae, maging kalalakihan at mga hayop sa gubat.

I’m sure, hindi ang halimaw ang tinutukoy sa post ni VP Sara. Pang-Pornhub na kasi ang nota ng sinasabing halimaw.

Maaaring may kinalaman ito sa banggaan nina Speaker Ferdinand Martin Romualdez at dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo. Tungkol ito sa demotion ni Arroyo na ginawang Deputy Speaker mula sa pagiging Senior Deputy Speaker. Kilalang sanggang dikit ni VP Sara si Arroyo.

Sa ngayon, galawang Orocan muna sa Kamara de Representantes ang mga taong sangkot sa kontrobersya dahil tiyak na nagngingitngit pa sa galit ang kampo ni Arroyo. Malaking kahihiyan kasi ito para sa isang dating Pangulo ng Pilipinas.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on