WebClick Tracer

OPINION

Rambulan sa kongreso!

Hindi nakakapagtaka ang pagkatanggal kay former president at kasalukuyang Pampanga 2nd District Rep. Gloria Macapagal Arroyo bilang Senior Deputy House Speaker at ang pagbibitiw naman ni Vice President Sara Duterte bilang miyembro ng Lakas-CMD. Patunay lamang ito sa lumalalim na alitan ng mga lider at alyado ng administrasyon ni President Bongbong Marcos Jr.

Matagal nang bulong-bulungan na nais maging House Speaker ni Arroyo kapalit ng kanyang matagumpay na pag-broker ng alyansa sa pagitan ng mga Marcoses at Dutertes. Naudlot ito dahil mas pinili ni BBM na maging House Speaker si Lakas-CMD President at Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez, na malapit na kamag-anak ng kanyang pamilya. Pero dahil muli daw nagtatangka ang dating pangulo na kunin ang liderato ng Kongreso, napilitan ang mga alyado ni Romualdez na limitahan ang kapangyarihan ni Arroyo.

Pinatotohanan ito ni Romualdez. Sa isang statement, sinabi niya na hindi lamang ito pamumulitika kundi isang tangkang destabilisasyon ng Kongreso na kailangang tagpasin agad hangga’t maaga. Virtually, tinawag niya si Arroyo na “political destablizer.” Malala ang away!

At dahil pansamantalang naapula si Arroyo, mananatiling pangunahing lider si Romuladez hindi lamang ng Kongreso kundi pati ng Lakas-CMD. Ito ang dahilan kung bakit nag-resign si Vice President Sara sa Lakas-CMD na pinangungunahan ni Romualdez. It was an act of protest against Arroyo’s demotion. Ipinapakita ng bise presidente na suportado niya si Arroyo.

Sa lahat ng ito, ang talo ay ang mamamayan. Imbes na unahin ng mga mambabatas na bigyang solusyon ang maraming problema ng bansa, inuubos nila ang kanilang oras at panahon sa agawan ng kapangyarihan at personal na ambisyon. Talo rin si BBM. Isang taon pa lang ang kanyang administrasyon, pero nagsasaksakan na ang kanyang mga lider at alyado. Lumalabas na mahina ang kontrol at liderato ni BBM sa loob ng kanyang administrasyon.

Sabi ni BBM, natural lamang daw ang reorganization sa kongreso. Hindi yan reorg Mr. President, umpisa na yan ng rambulan! Sinabi na nga ni Romualdez na “destabilization” eh. Sinabi naman ni Arroyo na “early politicking.” Early politicking and destabilization for the 2028 presidential election? Kung ngayon pa lang ay malalim na ang tunggalian ng kanyang mga alyado sa loob ng pamahalaan, paano pa mamamahala si BBM sa natitirang limang taon? Paano pagkakaisahin ni BBM ang buong bansa kung bitak-bitak ang kanyang pamahalaan?

Abangan ang susunod na kabanata.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on