WebClick Tracer

OPINION

Gotcha Secretary Rex Gatchalian

Maraming excited, kabilang na ako diyan, na malaman kung sinu-sino ang mga bagong makakasama ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa kanyang gabinete matapos na mawalan ng bisa ang election ban sa susunod na buwan.

Kabilang sa mga inaabangan ay kung sino ang magiging kalihim ng Department of Agriculture, Department of Health, Department of National Defense at ang Department of Interior and Local Government na maugong na mababakante dahil lilisanin daw ni Secretary Benhur Abalos.

Pero kung ang mga ahensiyang may mga naitalaga nang pinuno ang pag-uusapan, marami siguro ang sasang-ayon kung sasabihin kong isa sa mga matutunog kung ang performance ang pag-uusapan ay si Department of Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian.

Sabagay kung ang mga rekord niya ang pagbabatayan, masasabing may maipagmamalaki talaga itong si Secretary Rex lalo na kung babalikan ang nagawa niya para maibsan ang problemang inaabot ng mga motorista sa mga tollgates ng NLEX na sakop ng Valenzuela.

Hindi ba’t dahil nga dispalinghado ang mga RFID-operated toll booths ay gumawa siya ng paraan para maitaas ang mga barrier para maging pass-thru and thru na lamang ang mga sasakyan na papasok ng NLEX.

Hanggang ngayon, maalwan pa rin ang biyahe ng mga motorista sa lugar na yan dahil sa naging aksiyon ni Secretary Rex.
At ngayong may papalapit na malakas na bagyo sa bansa, maaga pa lamang ay kumilos na si Secretary Rex para maisalansan ang mga bagay-bagay na kakailanganin ng ating mga kababayan sakali mang ang naturang sama ng panahon ay manalasa sa kalupaan ng bansa.

Sa maiksing salita, talagang angat si Secretary Rex sa ibang mga nasa posisyon na kagaya niya ang apelyido.

May mga naririnig pa nga ako na kung tatakbo daw itong senador sa 2025 ay baka mas malinaw pa ang tsansang manalo kumpara sa ibang kapareho ang apelyido dahil nga nagkaroon na ng pundasyon ang kalihim sa maraming sektor ng lipunan gaya mga mga motorista at mahihirap na mamamayan na hindi biro ang botong ibinibigay pagdating ng halalan sa mga nagugustuhang kandidato.

Wala eh, nagtatrabaho si Secretary Rex eh, kaya makikita talaga ng tao ‘yan.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on