Sino raw itong dating opisyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na nangotong sa isang bangko matapos ipasagot dito ang gastos sa reception ng kasal ng kanyang anak.
Kuwento ng impormante ni Mang Teban, takot daw kasi ang mga bangko sa opisyal na ito dahil sa lawak ng kapangyarihan at impluwensiya nito sa banking community.
Kahit daan-daang milyong piso na ang datung ng opisyal, aba’y nagawa pa nitong gatasan ang isang bangko para may pangtsibog sa kasal ng anak.
Walang kaalam-alam ang anak na galing sa ibang tao ang perang pinambayad sa caterer, buti na lang at hindi sumakit ang tiyan ng mga guest sa pagkain.
May reputasyon na kasing manlaglag ng bangko itong dating opisyal tulad ng nangyari sa makasaysayang impeachment trial sa isang hukom na sinangkalan niya ang reputasyon ng isang maliit na bangko na collateral damage.
Gusto raw ng isang miyembro ng Monetary Board na maputol na ang sungay ng dating opisyal ng BSP. Ito raw ang dahilan kung bakit tarantang-taranta ang dating opisyal at alipores nito na masigurong katropa niya ang maitalagang governor ng BSP.
Simpleng tao lang na maituturing itong dating MB member ngunit, huwag ka, topnotcher pa ito sa bar noong kapanahunan niya. Malakas din ang ugnayan nito kay House Speaker na kanyang brod sa University of the Philippines at dekada ang usapan ng pagiging magkaibigan ng kanilang mga pamilya.
Dahil matinong tao naman itong dating MB, hindi naman resbak ang magiging habol nito kundi ang maisaayos ang mga pinaggagawa ng dating opisyal.
Clue: Ang dating opisyal ng BSP ay napabalitang may kulasisi at nagpasimula ng power tripping sa central bank.