Ang pagihi ay isa sa mga natural nating ginagawa na syang isa sa paraan magtanggal ng toxins sa ating katawan.
Madalas ay hindi kinakailangan isipin kundi nagkakaroon ng urge o maiihi at tuluyang lalabas ang ihi. Gustong malaman ng ating reader kung talagang normal kung minsan ay hindi na mapigilan at maiihi na agad. “May pagkakataon kasi na walang makitang cr o malayo ang cr, hindi na mapigilan ang ihi, at may pagkakataon nannakakahiya pa. May remedyo pa ba dito?”
Incontinence ang tawag sa kawalan ng pagpipigil sa pag ihi. Madalas nangyayari sa mga kababaihan nasa edad 50 anyos. Mayroong 6 na klase ito. Ang stress incontinence kung saan nangyayari dahil nabibigyan ng presyon o nadidiinan ang pantog, tulad na lang pag natawa, pagbahing, pagehersisyo o pagbubuhat ng mabibigat na bagay. Ang urge incontinence kung saan naiihi at kapag umihi ay sobra sobra, maaaring dahil sa impeksyon. Ang overflow incontinence ay kung madalas maihi dahil hindi mailabas lahat ng ihi, kung minsan ay tumutulo pa ang ihi. Ang functional incontinence naman ay hirap pumunta sa banyo dahil sa pisikal na kapansanan. Ang mixed ay halo ng mga nabanggit. At ang huli, ay bedwetting na madalas mangyari sa mga bata, ngunit kung minsan sa matanda din ay nangyayari.
Hindi lang mga babae na nasa edad 50 ang makararanas nito, pwede sa mas bata, lalo na kung ilang beses na nanganak at humina ang pelvic floor. Sa lalaki naman ay kung may problema sa prostata. Ang mga may problema sa timbang lalo na kung obese na at naninigarilyo ay pwedeng maging incontinent. Nalalaman ito sa pamamagitan ng history at physical exam, kasama ang rectal at pelvic exams. Dinadagdag pa ang mga imagings tulad ng ultrasound, ct scan, at emg, pati ang eksaminasyon sa ihi at dugo, at mga bladder function tests.
Ang pinakamahalagang paraan upang matulungan ang mga may incontinence ay ang pagturo ng mga ehersisyo para lumakas ang pelvic floor, tulad ng Kegels exercises. Ito ay halos parang iniipit ang puwitan. Kasama ang pag ayos sa pang araw-araw na pamumuhay, tulad ng pagbawas ng timbang, pagtigil sa paninigarilyo, paginom ng sapat na tubig para hindi maging constipated. Tinuturuan ang pantog o bladder training, gumagawa ng skedyul ang oras ng pagihi. Maaaring bigyan ng gamot at mga iba pang pamamaraan tulad ng iniksyon, mga gamit o devices gaya ng mga zonda o catheters, at mga electrical stimulation. Kung talagang malala ang kundisyon, maaari din kailangan maoperahan.
Masarap ang pakiramdam nang makaihi ng maayos. Kung nagiging problema ang pagihi, magpatingin sa mga urologists bago pa lumala ang kundisyon.
Hanggang sa susunod na Huwebes! Stay Healthy! Stay safe! Remain vigilant!
J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kapitbahay tuwing huwebes 1pm at Health Watch tuwing ikatlong linggo ng buwan 9am sa DZEC1062) at Doc Rylan Facebook Live tuwing linggo ng 11am. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.