Sugatan ang isang babae nang habulin at makaladkad ng motorsiklo ng lalaking nang-agaw ng kanyang cellphone sa Quezon City, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ni Quezon City Police District Talipapa Police Station (PS 3) Station Commander PLTCOL Mark Janis Ballesteros, ang suspek na si Darryl Ramirez, 34-anyos.
Sa report, naghihintay ang biktimang si Angelica Shaine at nakababata niyang kapatid na babae ng kanilang order mula sa isang milk tea store, nang tangayin ng suspek ang cellphone ng una na nakapatong sa lamesa.
Nakita ito ng biktima kaya agad na hinabol ang suspek na noon ay pasakay na sa kanyang motor.
Hinawakan ni Angelica ang snatcher pero mabilis na pinaharurot ng suspek ang motorsiklo at nakaladkad ang biktima.
Humingi ng tulong ang biktima at sumaklolo ang bystanders at riders na ikinaaresto ng suspek.
Narekober sa supek ang IPhone 6S Plus cellphone ng biktima na nasa P30K ang halaga, P120.00 at ang ginamit na Yamaha Mio Sporty. (Dolly Cabreza)