Hindi sinang-ayunan ng Second Division ng Commission on Elections (Comelec) ang petisyon para ipa-disqualify si dating Department of Social Welfare and Development (DSWD) secretary Erwin Tulfo bilang ACT-CIS party-list.
Sa inilabas na desisyon ng Comelec, wala umanong basehan ang petisyon ng isang Atty. Moises Tolentino para huwag payagang makaupo si Tulfo bilang mambabatas.
Sinabi ni Tolentino sa Comelec na hindi umano dapat payagan maupo ang dating DSWD chief dahil kuwestiyonable ang citizenship nito at nagkaroon ng conviction sa kanyang mga kasong libel.
Pero hindi pinakinggan ng Comelec ang mga argumento ni Tolentino dahil sa kabiguan umano nito na maglabas ng mga ebidensya.
Binigyan naman ng limang araw ang abogado para maghain ng kanyang motion for reconsideration o MR. Sakali umanong mabigong magsumite ng MR ay maglalabas ang Comelec ng pinal na desisyon at bibigyan ng Certificate of Proclamation si Tulfo para makaupo bilang ACT-CIS party-list representative sa Kongreso.
(Mina Navarro)