Walang dapat na ipangamba ang mga residente sa dalawang barangay sa Calatagan at Mabini sa Batangas na tinamaan ng oil spill.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Vice Admiral Rogelio Lizor Punzalan Jr., officer-in-charge ng Philippine Coast Guard na hindi gaanong malala ang oil spill na nakita sa Barangay Calamias sa bayan ng Mabini na agad nalinis.
Magkaiba aniya ang kalidad ng langis na nakita sa lugar kumpara sa oil spill nga nagmula sa MT Princess Empress na kumalat sa Oriental Mindoro.
“Ang una nilang namataan, they observed that the level of alarm is not very high pero nonetheless, they immediately conducted the scooping of oil at ang pagkakasabi nga po is oil sheen basically iyong kanilang nakita,” ani Punzalan.
Tiniyak naman ng opisyal na walang napinsala sa nakitang oil spill at kontrolado na ang sitwasyon sa dalawang barangay. (Aileen Taliping)